Ang nalalapit na paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay magbibigay sa mga biktima ng war on drugs ng unang opisyal na legal na venue upang isalaysay ang kanilang mga karanasan sa isang korte na may kapangyarihang magpataw ng parusa at magprotekta sa mga testigo.
Ito ang inihayag ni Atty. Dino de Leon, convenor ng Team Pinas.
Ayon kay Atty. De Leon, tuloy ang proseso sa kabila ng mga hakbang ng kampo ni Duterte na maantala ang kaso sa pamamagitan ng pagpapalit ng abogado at pag-atake sa kredibilidad ng korte.
Nilinaw ni De Leon na magkaiba ang ICC trial sa “private truth commission” na pinamumunuan ni dating ICC Judge Raul Pangalangan.
Ang komisyon ay isang pribadong inisyatiba lamang upang matulungang makapagsalita ang mga biktima, habang ang ICC ay isang opisyal na korte na may kapangyarihang magbigay ng seguridad at selyuhan ang hatol ng hustisya.
Aniya, ipinababawas na ng ICC ang mahigit 120 nakatalang talumpati ni Duterte na isinumite bilang ebidensya ng kaniyang marahas na retorika.
Ayon kay De Leon, senyales ito na seryoso ang korte na iwasan ang anumang pagkaantala ng kaso kapag napatunayang sapat at may koroborasyon na ang mga ebidensya.
Inaasahan na sa pagsisimula ng paglilitis, masusuri ang mga testimonya ng mga biktima habang bibigyan naman ng pagkakataon ang mga abogado ng dating pangulo na sagutin ang mga akusasyon ng crimes against humanity.















