Lumakas pa ang binabantayang Super Typhoon Rosal sa loob ng Philippine Area of Responsibility o PAR ayon sa state weather bureau DOST-PAGASA nitong Miyerkules ng madaling araw.
Huling namataan ang mata ng Super Typhoon Rosal sa layong 990 km sa silangan ng Northern Luzon kung saan may taglay itong hangin na 215 km/h at may bugsong umaabot sa 265 kilometro kada oras.
Gumagalaw ang bagyo sa bilis na 30 km/h tungong kanluran hilagang-kanluran kung saan inaasahan itong lumapit sa Extreme Northern Luzon bandang Huwebes o Biyernes nitong linggo bago ang inaasahang tuluyang paglabas nito sa PAR Biyernes ng gabi o Sabado ng madaling araw.
Samantala, itinaas naman na ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa ilang lugar sa Luzon tulad ng Batanes, Babuyan Islands, kabilang ang hilaga at silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-lo, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Buguey, Gattaran, Bagao, Peñablanca, Santa Praxedes, Claveria, Sanchez-Mira, Pamplona, Ballesteros, Abulug, Allacapan).
Itinaas na rin ang signal no. 1 sa hilagang-silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, San Pablo, Cabagan, Delfin Albano, Santo Tomas, Santa Maria, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Dinapigue), kasama naman ang hilaga at gitnang bahagi ng Apayao (Calanasan, Luna, Santa Marcela, Flora, Pudtol, Kabugao), pati na rin ang hilagang-silangang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Adams).
Isinailalim din sa signal np. 1 ang hilagang-silangang bahagi isla ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, at Gigmoto).
Patuloy naman ang pagtutok ng ahensiya ng PAGASA sa super bagyo habang pinag-iingat at pinaghahanda ang lahat hinggil sa mga pag-ulang dala nito sa bansa.















