-- Advertisements --

Nananawagan ang grupong sumusuporta sa mga biktima ng extra-judicial killings (EJKs) kay Senador Ronald Dela Rosa na sumuko na.

Kasalukuyan ngang nahaharap sa warrant of arrest ang senador mula sa International Criminal Court (ICC), matapos tukuyin bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.

Ayon sa grupong Project Paghilom, ang pag-alis ni dela Rosa mula sa kustodiya ng Senado noong madaling araw ng Huwebes ay malinaw na pagtatangkang takasan ang pananagutan sa ilalim ng batas.

Iginiit ni Project Paghilom coordinator Randy Delos Santos na dapat harapin ni Dela Rosa ang kaso laban sa kaniya. Dati aniya matapang at determinado ang senador na sinasabing haharapin niya ito subalit ngayon bakit tila aniya nagbago ang kaniyang paninindigan?

Matatandaang nauna nang sinabi ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na humiling si dela Rosa na mailagay sa ilalim ng kustodiya ng Philippine National Police (PNP), bagay na tinutulan naman ng kampo ng mga biktima ng drug war.