Tiniyak ng bagong-tatag na Truth Commission ang pagiging independent nito sa isasagawang imbestigasyon sa mga patayang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga administrasyon na may mga naganap na human rights violations.
Ito ay kahit pa nangako si Philippine National Police (PNP) chief, PGen. Melencio Nartatez Jr. sa mga serye ng pagsusuri ng komisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Truth Commission Commissioner for Public Documentation, Transparency, and Democratic Accountability Carlos Conde, nanindigan siyang mananatili ang kalayaan ng komisyon na aralin at suriin ang mga naganap na human rights violations upang makabuo ang komisyon ng independent report.
Mahalaga aniya ang naturang report para masuportahan ang layunin ng grupo na maging paalala ito sa madugong drug war na nagdulot ng pagkamatay ng mahigit 30,000 indibidwal, batay na rin sa independent report ng human rights watchdog.
Nagpasalamat din si Conde sa pagnanais ng pulisya na makipagtulungan at tiniyak nitong lahat ng mga nagpapahayag ng interest na magkuwento at magsalaysay ay bibigyan ng pagkakataon na mapakinggan.
Sa ngayon, may inisyal na listahan na ang Truth Commission para sa mga target na makausap na survivor at pamilya ng mga biktima.
Bagaman may mga pulis na ring nagpapahayag ng interest na makapagkuwento ng kanilang karanasan, sinabi ni Conde na hindi pa sila kasali sa initial list habang nagpapatuloy ang validation sa kanila.
Unang nabuo nitong nakalipas na linggo ang bagong komisyon na isang independent, non-government, at truth-seeking body.
Pinangungunahan ito ni dating International Criminal Court Judge Raul Pangalangan.
















