Inaabangan na ng kampo ng mga biktima ng madugong drug war ng nakalipas na administrasyon ang pagpapalabas ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber sa desisyon nito sa apela ng kampo ni dating Pang. Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya.
Ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, susubaybayan ng kampo ng mga biktima ang proceeding, kasabay ng panalanging hindi pagbigyan ng korte ang kahilingan ng dating pangulo.
Paliwanag ni Conti, ito rin ang unang pagkakataon na matutunghayan ang kinatawan ng kampo ng mga biktima sa pamamagitan ng Office of the Public Counsel for Victims. Kasama nito ang mga kinatawan ng defense panel at prosecution.
Inaasahan namang hindi magtatagal ang naturang proceeding na nakatakdang magsimula ganap na alas-5:30 ng hapon, oras sa Pilipinas.
Ayon kay Conti, maaaring magtagal lamang ng isa hanggang dalawang oras ang naturang proceeding kung saan babasahin lamang ang nilalaman ng desisyon ng Appeals Chamber na binubuo ng limang judges.
Posible rin aniyang buod lamang ng desisyon ang babasahin, kung saan nakalagay lamang ang mahahalagang punto ng desisyon.
Patuloy na umaasa ang pamilya ng mga biktima na hindi pagbibigyan ang kahilingan ng dating pangulo at mananatili siyang nakadetene sa loob ng Detention Facility ng international tribunal.
















