Kumpiyansa ang Deputy Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na uusad sa full trial ang crimes against humanity charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng apat na araw na pagdinig sa kumpirmasyon ng kaso ng dating Pangulo sa ICC Pre-Trial Chamber I.
Ayon kay Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, nakapag-presenta ang kanilang panig ng ebidensiya at karamihan dito ay may kinalaman sa mga speech mula mismo sa dating Pangulo.
Paliwanag pa ng Deputy Prosecutor na para sa kumpirmasyon ng kaso, kailangan lamang nilang makapagbigay ng sapat na batayan para paniwalaan at iginiit na hindi pa ito parte ng paglilitis.
Nanindigan din ang ICC Prosecutor na mayroong sapat na ebidensiya para paniwalaan na ang kanilang inaakusa sa dating Pangulo ay resonable at hindi mahinang akusasyon.
Ipinunto rin ni Niang na kailangang magpatuloy sa trial ang kaso laban sa dating Pangulo sa kabila pa ng pagkwestyon ng depensa sa kredibilidad ng mga testigo o discrepancy ng mga ito, bagay na hindi pa dapat isaalang-alang ng ICC judges sa puntong ito.
Ipinaliwanag din ng Deputy Prosecutor na hindi pa isinasailalim ang mga testigo sa cross-examination, dahil isasagawa pa lamang ito sa mismong trial.
Samantala, sa panig naman ng depensa, nauna nang inihayag ni defense lawyer Nicholas Kaufman na naniniwala siyang magpapasya ang mga hukom ng ICC Pre-Trial Chamber I base sa ebidensiya.
Inaasahang ilalabas ang ruling ng Chamber sa loob ng 60 araw.
















