Inihayag ni Vice President Sara Duterte na maaaring nakalimutan na ng publiko, lalo na ng mga organizer, ang tunay na diwa ng 1986 EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa 20 taong pamumuno ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ito ang naging tugon ng Bise Presidente nang matanong sa isang panayam sa Iligan City kaugnay sa kaniyang mensahe para sa ika-40 anibersaryo ng EDSA Revolution.
Ayon sa Bise Presidente, ang mga nag-oorganisa ng paggunita ng anibersaryo ng EDSA Revolution ngayong araw ay “hindi tunay na alam” ang kanilang mensahe sa taumbayan at tila nakalimutan na ang layunin ng People Power.
Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag sa gitna ng isasagawang mga protesta ngayong araw kasabay ng anibersaryo ng makasaysayang EDSA Revolution.
Pangungunahan ng mga civil society group at Simbahang Katolika ang paggunita, na may martsa mula sa EDSA Shrine hanggang EDSA People Power Monument. Kasabay nito ang ikatlong Trillion Peso March na nananawagan ng pananagutan sa umano’y katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura, at may ilang grupo ring magsusulong ng panawagang papanagutin ang mga Marcos at Duterte.
















