-- Advertisements --

Ipinunto ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na walang puwang ang mga “hyperbole” at “figures of speech” sa paglalatag ng mga patakaran lalo na kung ito ay mula sa pinakamataas na pinuno ng bansa.

Ito ang naging tugon ng mambabatas, na isa ring abogado, nang matanong sa isang pulong baalitaan ngayong Sabado, Pebrero 28 kaugnay sa kaniyang pananaw kung matutuloy sa full trial ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Paliwanag ng mambabatas na kung ano ang aktwal na binitawang mga salita sa mikropono o sa isang pampublikong kapulungan ay hindi maituturing bilang joke lalo na kung ito ay pagbabanta sa mga tao.

Kaugnay nito, nagpaalala ang mambabatas sa mga matataas na opsiyal ng gobyerno na hindi dapat gawing biro ang kanilang mga binibitawang salita dahil ito ang pinapakinggan at pinaniniwalaan ng taumbayan hindi lamang ng mga ordinaryong mamamayan kundi maging ang mismong nagpapatupad ng ating batas.

Matatandaan, sa confimation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chmaber I, ikinatuwiran ng lead defense counsel ng dating Pangulo na si Atty. Nicholas Kaufman na pawang hyperbole o exaggeration lamang ang mga kontrobersiyal na pahayag ng dating Pangulo na pumatay ng mga drug addict at hindi dapat ituring na literal na utos.