-- Advertisements --

Mariing kinondena nina Rep. Gerville Luistro at Bicol Saro Rep. Terry Ridon ang mga kontrobersyal na pahayag ni Chinese Embassy in Manila Ambassador Jing Quan, at iginiit na hindi dapat maging biktima ng pambubully ang Pilipinas sa sarili nitong teritoryo.

Ayon kay Luistro, bagama’t patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang mapayapang paraan upang maresolba ang sigalot sa China, hindi dapat palampasin ng pamahalaan ang mga pahayag na maaaring makasira sa soberanya at dignidad ng bansa.

Binigyang-diin niya na nararapat lamang na igalang ng mga dayuhang diplomat ang Pilipinas at ang mamamayang Pilipino, lalo na sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Samantala, ipinauubaya naman ni Ridon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasya kung anong nararapat na hakbang laban sa Chinese ambassador. Hindi rin niya tinanggap ang paliwanag ng Chinese Embassy na hindi umano naunawaan ang sinabi ng kanilang diplomat.

Iginiit din ni Ridon na walang nagbabawal sa pamahalaan na paalisin sa bansa ang diplomat kung kinakailangan.

Binigyang-diin ng mga mambabatas na kailangang panindigan ng Pilipinas ang soberanya nito at igiit ang paggalang ng mga dayuhang kinatawan, habang patuloy na isinusulong ang mapayapang pagresolba sa sigalot sa China.