Nagbabala ang Philippine Exporters Confederation Inc. (Philexport) nitong Linggo na maaaring magdulot ng malawakang epekto sa pandaigdigang supply chain ang tumitinding tensyon sa Middle East, kasunod ng pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran at ang paghihiganti ng Iran.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na ang mga pag-atake at pag-target sa mga bansa sa Middle East na may base militar ng US at ang paghihigpit sa Strait of Hormuz ay nagdulot na ng pagkaantala sa airspace at mga logistics, habang pinaiigting ang volatility sa energy markets.
Ayon sa grupo ang mas mabagal na paglago ng ekonomiya at mas mataas na gastos ay maaaring makaapekto sa daloy ng kalakalan sa buong mundo.
Para sa Pilipinas, na malaki ang inaangkat na langis, ang pagtaas ng presyo ng krudo ay direktang magpapataas sa gastos sa produksyon, transportasyon at logistics.
Ayon sa Philexport, maaari nitong pahinain ang price competitiveness ng mga produktong Pilipino sa pandaigdigang merkado.
Kabilang sa mga sektor na pinakaapektado ay ang electronics, garments, processed food at furniture, na maaaring humarap sa mas mataas na shipping rates, insurance premiums at mas mahabang transit time kung mababago o maaantala ang mga ruta.
Binalikan din ng grupo ang mga nakaraang tensyon sa rehiyon na nagresulta sa freight at security surcharges—mga dagdag-singil na maaaring muling ipataw at magpabigat sa kalakalan at turismo.
Panganib sa demand at export sa Middle East
Nagbabala rin ang Philexport sa posibilidad ng paghina ng demand sa ibang bansa, dahil ang currency volatility at inflationary pressures ay maaaring magpababa sa consumer spending, lalo na sa mga energy-dependent economies sa Asia at Europe.
Bukod sa mga hindi direktang epekto, sinabi ng grupo na nananatiling bulnerable ang Philippine exports sa mismong Middle East kung lalala pa ang tensyon.
Dahil dito, hinikayat ng Philexport ang pamahalaan na bantayang mabuti ang mga kaganapan at pag-aralan ang mga hakbang upang mabawasan ang negatibong epekto sa exporters at sa ekonomiya ng bansa.















