-- Advertisements --

Posibleng humarap ang mga motorista sa panibagong taas-presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, sa kabila ng pahayag ng Department of Energy (DOE) na limitado lamang ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan sa pandaigdigang suplay ng langis.

Ayon kay Rino Abad, director ng Oil Management Bureau ng DOE, wala umanong ulat na may nasirang oil production facilities sa Iran sa kabila ng mga pag-atakeng militar na may kaugnayan sa tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Israel.

Ipinaliwanag niya na mga target militar at nuclear-related infrastructure lamang ang tinamaan, kaya’t hindi naapektuhan ang kakayahan ng Gitnang Silangan na mag-export ng langis.

Gayunman, sinabi ni Abad na may pangamba sa hanay ng mga shipping operator, na nagdudulot ng pagkaantala sa pagdadala ng langis.

Dahil sa delay sa shipment, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene simula bukas.

Sa pagtataya ng DOE, maaaring tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ng $5 hanggang $10 kada bariles. Katumbas ito ng humigit-kumulang 30 sentimo kada litro sa bawat $1 na pagtaas.

Kung magpapatuloy ang paggalaw ng presyo, posibleng maramdaman ng mga konsyumer ang kabuuang epekto sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, na maaaring umabot sa P3 kada litro ang dagdag-presyo.