-- Advertisements --

Natukoy na na halos hindi na makadaan ang ilang oil at gas shipping sa Strait of Hormuz, isa sa mahalagang daanan na nag-uugnay sa oil-rich Persian Gulf sa open sea, habang tumitindi ang tensyon sa rehiyon kung saan pinaigting ng Iran ang mga banta laban sa mga barkong dumaraan dito.

Batay sa ship-tracking data, iilan lamang na sasakyang-pandagat ang umaalis sa naturang waterway nitong Linggo, at wala umanong nakikitang pumapasok.

Nabatid na isang maliit na oil tanker ang binigyan ng sanctioned ng Estados Unidos dahil sa pagtulong sa Iran sa pag-export ng fuel na kalaunang tinarget sa hilagang baybayin ng Oman, bagaman hindi malinaw kung sino ang nasa likod ng pag-atake.

Mga banta sa Persian Gulf

Sinabi ni Mohsen Rezaei, miyembro ng Expediency Discernment Council na pinayuhan niya ang supreme leader ng Iran, sa state television na “no American ship is allowed to enter the Persian Gulf.”

May mga barko ring nag-ulat na nakarinig ng radio broadcast na umano’y mula sa Iranian navy na nagbabawal sa pagdaan sa Strait, kahit wala pang opisyal na anunsyo mula sa pamahalaan ng Iran.

Itinuturing ang Strait of Hormuz bilang isa sa pinakamahalagang chokepoint sa energy market dahil tinatayang isang-limang bahagi ng seaborne oil at liquefied natural gas (LNG) sa buong mundo ang dumaraan dito araw-araw.

Mga shipping giant, nagsuspinde ng biyahe

Inilarawan ng semi-official na Tasnim News Agency na “banned,” ang naturang waterway babala na ipinaabot ng Revolutionary Guard ng Iran at hindi ligtas ang pagbiyahe rito.

Kasunod nito, inanunsyo ng German container liner na Hapag-Lloyd AG ang pagsuspinde ng kanilang pagdaan sa Hormuz dahil sa “official closure.”

Sinabi rin ng CMA CGM SA ng France—ikatlong pinakamalaking container line sa mundo—na pinayuhan nito ang mga barko sa Persian Gulf na agad iwasan at ang pagdaan sa Suez Canal.

Samantala, nagbabala ang Estados Unidos sa mga barko na manatiling 30 nautical miles ang layo mula sa kanilang military assets sa rehiyon.

Nag-utos din ang Nippon Yusen KK ng Japan sa kanilang fleet na huwag munang maglayag sa Hormuz, habang pinayuhan ng Greece ang kanilang merchant fleet na muling suriin ang pagdaan sa naturang ruta.

Inabisuhan din ang mga barko na maging handa sa paggamit ng “conventional” navigation methods dahil sa posibilidad ng electronic interference, isang babala na sinang-ayunan din ng UKMTO at ng Joint Maritime Information Center.

Malaking epekto sa pandaigdigang kalakalan

Kung magtatagal ang pagkaantala, maaari itong magdulot ng matinding epekto sa global oil trade. Bagama’t sarado ang futures market tuwing weekend, isang retail trading product ng IG Group Ltd. ang nagpresyo sa West Texas Intermediate ng humigit-kumulang 9% na mas mataas nitong Linggo—palatandaan ng pangamba sa merkado.

Mahalaga rin ang Hormuz sa LNG trade. Ang Qatar, ikalawang pinakamalaking LNG exporter sa mundo na bumubuo ng halos 20% ng global supply noong nakaraang taon, ay kailangang dumaan sa Strait upang maihatid ang kargamento sa Asia at Europe.

May ilang container ships na rin ang huminto o nag-U-turn habang nasa biyahe, ayon sa ship tracking data.

Ayon sa mga shipbroker, may ilang shipowners ang nagbabalak kanselahin ang mga nakatakda nang biyahe papasok ng Middle East, gamit ang “war clause” sa kontrata na nagbibigay karapatan sa kanila kung sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga bansang kabilang ang US at Iran.

Ang ganitong hakbang ay maaaring lalong magpahigpit sa supply ng mga barko sa rehiyon at magtulak pataas sa freight rates na kamakailan lamang ay umabot sa pinakamataas na antas sa loob ng ilang taon.

Batay sa tanker tracking data, patuloy ang pagdami ng mga barkong pansamantalang humihinto sa silangang bahagi ng Hormuz sa halos buong linggo—isang senyales ng lumalalim na krisis sa isa sa pinakamahalagang daluyan ng enerhiya sa mundo.