-- Advertisements --

Natapos na ng National Basketball Association (NBA) ang paghahanda sa dalawang court na gagamitin para sa 2026 Finals.

Sa mga larawang inilabas ng liga, tampok ang disenyo ng hardcourt na may Larry O’Brien Trophy, ang pinakaaasam na championship trophy ng NBA.

Nakatakda ang unang laban sa pagitan ng New York Knicks at San Antonio Spurs sa Hunyo 4, 2026 (PH time).

Gaganapin ang Game 1 at Game 2 sa Frost Bank Center, ang homecourt ng Spurs, habang ang Game 3 at Game 4 ay sa Madison Square Garden, ang homecourt ng Knicks.

Ito ang unang pagkakataon mula noong 1999 Finals na muling magtatapat ang dalawang koponan, kung saan tinalo noon ng Spurs ang New York sa loob ng limang laro. Sa naturang Finals, gumawa ng kasaysayan ang Knicks bilang kauna-unahang No. 8 seed na umabot sa championship series.

Ngayong taon, muling nagpakitang-gilas ang Knicks matapos nilang talunin ang Cleveland Cavaliers sa pamamagitan ng sweep sa Eastern Conference Finals.

Samantala, pinatumba naman ng Spurs ang defending champion na Oklahoma City Thunder sa isang matinding Game 7 sa Western Conference Finals.

Ang lahat ng mata ay nakatutok ngayon sa NBA Finals 2026, kung saan muling mabubuhay ang klasikong rivalry ng Knicks at Spurs.