-- Advertisements --

Nagbabala ang Estados Unidos sa Oman laban sa anumang hakbang na magpapataw ng toll o bayarin sa pagdaan sa Strait of Hormuz, at sinabing papatawan nito ng parusa ang sinumang magiging katuwang sa naturang plano.

Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni U.S. Treasury Secretary Scott Bessent na agresibong tutugisin ng ahensya ang mga indibidwal o grupong direktang o hindi direktang sangkot sa pagpapatupad ng toll sa naturang Strait.

“Aggressively target any actors involved—directly or indirectly—in facilitating tolls for the Strait and any willing partners will be penalized,” ani Bessent.

Samantala, sinabi naman ni U.S. President Donald Trump na walang iisang bansa ang dapat magkaroon ng kontrol sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa buong mundo.

Binalaan din ni Trump ang Oman sa gitna ng usapin, sa kabila ng matagal nang ugnayang militar at pang-ekonomiya ng dalawang bansa.

“It’s international waters, and Oman will behave just like everybody else,” ani Trump sa isang pahayag noong Miyerkules.

Sa kabila nito, wala namang opisyal na pahayag ang Oman hinggil sa anumang plano ng joint control ng Strait of Hormuz kasama ang Iran. Gayunpaman, sinabi ng Oman na nakipag-usap ito sa Tehran kaugnay ng kalayaan sa paglalayag sa naturang karagatan.

Nagpahayag naman ng pakikiisa ang Iran sa Oman matapos nitong batikusin ang umano’y banta mula sa mga opisyal ng Estados Unidos.

Ang Strait of Hormuz ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis dahil malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo ang dumaraan dito.