-- Advertisements --

Nagbanta si US President Donald Trump na aatakehin ang Oman, na isang kilalang kaalyado ng Amerika, sakaling hindi ito magpakatino o mag-“behave”.

Ginawa ng presidente ng US ang naturang banta kasunod ng mga ulat hinggil sa umano’y negosasyon sa pagitan ng Iran at Oman.

Ayon sa mga ulat, nagbabalak ang dalawang bansa na magkasamang magpataw ng toll sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz. Ang nasabing Strait ay isang kritikal na ruta para sa mga oil tanker sa buong mundo, na pansamantalang naisara simula nang sumiklab ang digmaan ng US at Israel laban sa Iran.

Una nang idineklara ni Trump noong Martes na muling bubuksan ang lagusan para sa lahat at iginiit na walang sinumang bansa ang may karapatang magkontrol dito. Aniya, babantayan ng Amerika ang lugar bilang bahagi na rin ng kanilang umiiral na pakikipagnegosasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na paglilinaw ang White House hinggil sa kontrobersiyal na pahayag ni Trump, at hindi pa rin nagbibigay ng opisyal na tugon ang Embahada ng Oman sa Washington ukol sa usapin.