Kinondena ng Gabriela Women’s Partylist ang isinampang indirect contempt case ni Atty. Ferdinand Topacio laban kay dating Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago, at tinawag itong isang “political attack” laban sa progresibong lider.
Nag-ugat ang sigalot matapos magsampa si Elago ng disbarment complaint kaugnay ng umano’y misogynistic remarks ni Topacio, kabilang ang naging pahayag nito tungkol sa umano’y “lust” niya sa dating mambabatas noong ito ay kongresista pa.
Ayon sa Gabriela, ginagamit umano ang kaso upang ilihis ang usapin mula sa kontrobersiyal na pahayag ng abogado at takutin ang isang babaeng lider na matagal nang nagsusulong ng karapatang pantao at kapakanan ng marginalized sectors.
Sa petisyon ni Topacio sa Korte Suprema, sinabi nitong nasira umano ang kanyang reputasyon matapos siyang maiugnay ni Elago sa disbarment case kahit wala pa umanong napapatunayang paglabag sa batas.
Samantala, iginiit ng Gabriela na hindi sila uurong sa anumang pagbabanta at patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng kababaihan laban sa pang-aapi at panggigipit ng mga nasa kapangyarihan. (report by Bombo Jai)















