-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala itong natatanggap na kahilingan upang kanselahin o suspendihin ang pasaporte ni Senador Ronald dela Rosa sa gitna ng usapin kaugnay ng umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court.

Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, sa ilalim ng New Philippine Passport Act, maaari lamang kanselahin ang pasaporte batay sa mga espesipikong dahilan na nakasaad sa batas, at hindi kabilang dito ang simpleng pag-isyu ng warrant mula sa lokal o internasyonal na korte.

Nilinaw din ng DFA na wala pang batayan upang repasuhin ang passport status ni dela Rosa dahil wala pa silang natatanggap na court order hinggil dito.

Gayunman, sinabi ng DFA na maaari lamang kanselahin ang pasaporte kung may hold departure order mula sa mga otoridad sa Pilipinas o kung ideklarang pugante ng korte ang may hawak nito.