-- Advertisements --

Patuloy na minomonitor ng Weather State Bureau ang Super Typhoon Champi na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), sa layong 2,145 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging 185km/h at pagbugsong umaabot sa 230km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 25 km/h

Inaasahang papasok sa PAR ang Champi sa Martes, Oktubre 20, sa umaga o hapon. Sa oras na makapasok ito, tatawagin itong Bagyong Rosal.

Inaasahang mananatili itong Super Typhoon sa pagpasok sa PAR, ngunit posibleng unti-unti itong humina pagsapit ng Miyerkules matapos maabot ang pinakamalakas nitong intensidad.

Posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa hilaga at silangang bahagi ng Hilagang Luzon, gayundin sa ilang bahagi ng Bicol Region, pagsapit ng Lunes ng gabi o Martes ng umaga. Batay sa kasalukuyang forecast scenario, maaaring umabot sa Signal No. 3 o 4 ang pinakamataas na wind signal.

Inaasahan ding mararanasan ang malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa ilang bahagi ng Mindanao, simula Miyerkules, Oktubre 21, o Huwebes, Oktubre 22.