Hiling ng mga prosekutor sa International Criminal Court (ICC) sa mga hukom na tanggapin bilang ebidensya ang mga naitalang testimonya ng limang saksi hinggil sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanilang pampublikong mosyon, isinusulong ng prosekusyon ang pagpasok ng mga pahayag ng mga saksing nakilala bilang P-1087, P-1151, P-1158, P-1161, at P-1204 sa ilalim ng Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence.
Ayon sa prosekusyon, naglalaman ang mga testimonya ng mga detalye ukol sa pambansang polisiya na “i-neutralize” ang mga suspek sa pamamagitan ng karahasan at ang sinasabing sistema ng reward sa ilalim ng kampanyang “Operation Double Barrel.”
Iginiit ng mga prosekutor na mahalaga at mapagkakatiwalaan ang mga nakalap na pahayag, at ang pagtanggap sa mga ito nang nakasulat ay makatutulong upang mapabilis ang pagdinig nang hindi natatapakan ang karapatan ng akusado.
Binigyang-diin din ng prosekusyon na nananatili pa rin ang karapatan ng kampo ni Duterte na magsumite ng kontra-ebidensya at magsaayos ng cross-examination sa mga nasabing saksi.
Kasalukuyan nang nakabinbin sa desisyon ng mga hukom ng ICC ang naturang kahilingan habang nagpapatuloy ang proseso ng paglilitis sa dating pangulo.













