-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa urban farming upang mapalakas ang suplay at abot-kaya at masustansyang pagkain para sa mga komunidad.

Inihain ni Yamsuan ang House Bill No. 9473, na layong gawing permanenteng programa ng gobyerno ang National Urban Agriculture and Peri-Agriculture Program (NUPAP) at maglaan ng pondong magtitiyak sa tuloy-tuloy na implementasyon nito.

Ayon kay Yamsuan, maaaring gawing taniman ng gulay ang mga bakanteng lote sa mga barangay upang makatulong sa pangangailangan ng pagkain ng mga pamilya at makalikha ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagbebenta ng ani sa mga karinderya at pamilihan.

Iminungkahi rin ni Yamsuan na pag-ugnayin ang mga programa ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment at Technical Education and Skills Development Authority para sa pondo, trabaho at pagsasanay sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim.

Binigyang-diin ni Yamsuan na hindi layunin ng urban farming na palitan ang mga magsasaka, kundi dagdagan ang mga hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang seguridad sa pagkain.

Ayon sa mambabatas, bumaba sa P183.4 milyon ang panukalang pondo ng NUPAP para sa 2026, mula P390.9 milyon noong 2026 at P439.2 milyon noong 2025. Sa pamamagitan ng panukala, nais niyang matiyak ang regular na pondo at mapalawak ang paggamit ng mga bakanteng lote at iba pang espasyo para sa urban agriculture.