Itinutulak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang panukalang gawing batas ang Pondo Para sa Pagbabago at Pag-Asenso (P3) Program upang mabigyan ng mas abot-kayang pautang ang mga micro at small entrepreneurs.
Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang P3 sa pagprotekta sa maliliit na negosyo laban sa mapagsamantalang “five-six” lenders na naniningil ng mataas na interes at nagdudulot ng utang na paulit-ulit na binabayaran.
Sa ilalim ng House Bill 9472 o Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Act, itatatag ang P3 Fund na magbibigay ng collateral-free loans sa mga kwalipikadong micro at small enterprises na may interes na hindi lalampas sa 1% kada buwan para sa direct lending.
Target ng programa ang mga sari-sari store owner, tindero sa palengke, carinderia operator at iba pang maliliit na negosyante. Layunin din nitong palawakin ang access sa puhunan sa pamamagitan ng paggamit ng financial technology.
Ayon kay Yamsuan, mahalagang magkaroon ng tuloy-tuloy na pondo ang P3 upang matulungan ang mahigit 90% ng mga negosyo na kabilang sa micro enterprises at iba pang maliliit na negosyo sa bansa.










