Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan ang Kongreso na ipasa ang “Abogado Para sa Bayan Act” (HB 5242) na layong tugunan ang kakulangan ng mga pampublikong abogado sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng buong scholarship ang mga karapat-dapat na mag-aaral ng abogasya kapalit ng dalawang taong serbisyo sa Public Attorney’s Office (PAO) o iba pang ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng libreng legal na tulong.
Ayon kay Yamsuan, mahal at mahirap ang legal na edukasyon kaya’t layunin ng panukala na tulungan ang mga kabataang nais maging abogado habang pinatitibay ang hanay ng mga tagapagtanggol ng mahihirap.
Batay sa ulat ng Public Attorney’s Office (PAO) noong 2024, may higit 15 milyong kliyente ngunit 2,676 abogado lamang, katumbas ng 5,631 kliyente bawat abogado.
Bagaman nagdagdag ng 178 bagong posisyon ang DBM at nagpatupad ng pro bono rules ang Korte Suprema, iginiit ni Yamsuan na hindi pa rin ito sapat.










