Isang content creator na kinilalang si Emma Amit ang nasawi matapos malason sa pagkain ng devil crab sa kanilang barangay sa Puerto Princesa.
Ayon sa ulat, Pebrero 6 nang lutuin ni Amit ang alimangong nahuli ng kaniyang asawa para sa kanilang vlogging content habang kumakain.
Sinabi ng Kapitan ng Barangay Luzviminda na si Laddy Gemang na nakasalo pa ni Amit sa pagkain ang kaniyang kaibigan.
Nakaramdam ng pamamanhid at labis na pag-laway ang kaibigan ni Amit kaya tumigil ito sa pagkain, ngunit nagpatuloy parin si Amit. Matapos kumain, nahirapan na siyang huminga at isinugod sa clinic bago dalhin sa ospital, kung saan idineklarang dead on arrival ang vlogger.
Habang kaniyang kaibigan ay nakarekober at nakauwi na sa bahay.
Ayon kay Prof. Deo Florence Onda ng UP Marine Science Institute, ang devil crab mismo ay hindi gumagawa ng lason, kundi nagkakaroon ito ng toxin mula sa mga microorganisms sa reef na kinakain ng alimango.
Ang neurotoxin mula rito ay maaaring magdulot ng paralysis at mabilis na epekto depende sa dami ng toxin.
Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA na hindi lahat ng makukulay na alimango ay ligtas kainin, kabilang na ang devil crab at green egg crab. Kahit pa lutuin o pakuluan, nananatili ang lason na maaaring magdulot ng pamamanhid, panghihina, at respiratory paralysis.
Ito na ang ikatlong nasawi sa barangay dahil sa pagkain ng devil crab, ayon sa kapitan.










