Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) na hindi lamang sa Valentine season dapat pairalin ang ligtas na pakikipagtalik kundi sa buong taon.
Ayon sa DOH, ang safe sex ay nakatutulong upang maiwasan ang sexually transmitted infections (STIs), hindi inaasahang pagbubuntis, at nagsisilbing epektibong paraan ng family planning.
Payo ng ahensya, lalo na sa mga nasa “dating stage” o hindi pa kasal, ang paggamit ng proteksyon gaya ng condom, lubricants, at pre-exposure prophylaxis (PrEP).
Dagdag pa ng DOH, mahalaga ring igalang ang consent at personal boundaries ng isa’t isa sa anumang physical intimacy.
Kasabay nito, binigyang-diin ng ahensya ang patuloy na pagtaas ng HIV cases sa bansa, kung saan mahigit 1,400 bagong kaso ang naitala mula Nobyembre hanggang Disyembre 2025.
Para naman sa mga single, pinayuhan ng DOH na maglaan ng oras para sa sarili sa pamamagitan ng self-love at pangangalaga sa mental health.
Paalala ng ahensya: ang tunay na pagmamahal ay nakikita sa pagprotekta sa sarili at sa kapakanan ng ibang tao sa paligid.













