Pinaigting ng Department of Health (DOH) ang pagtugon nito sa pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis na dulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang rehiyon sa bansa dahil sa habagat.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang na pinalakas ng kagawaran ang pagsasaayos ng referral systems at ang pagsiguro na may sapat na medical supplies at gamot sa mga pagamutan.
Para matugunan ang pagdagsa ng mga pasyente, nagdagdag ang kagawaran ng mga nurse sa mga ospital, pati na rin ng mga medical tent at karagdagang cot beds.
Aktibo na rin sa ngayon ang mga Express Lanes sa 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Region I, II, III, at CAR para sa mas mabilis na pag-alalay sa dumaraming pasyente ng leptospirosis.
Sa kasalukuyan, may 155 pasyente ng leptospirosis ang naka-admit sa San Lazaro Hospital (SLH) na mahigpit na mino-monitor at binibigyan ng kaukulang lunas.
Nagpapaalala ang kagawaran na magpatingin agad sa pinakamalapit na health center o ospital kung may naramdamang mga sintomas para hindi na lumala ang kondisyon.










