-- Advertisements --

Mariing ipinaalala ni Senate Committee on Health Vice Chairman Senator Bong Go sa Department of Health (DOH) na huwag tatanggi sa sinumang pasyente, lalo na ang mga mahihirap na walang ibang matatakbuhan kundi ang mga government hospitals.

Ginawa ng senador ang pahayag sa nagdaang pagdinig ng Senado para sa panukalang pondo ng DOH para sa susunod na taon.

Bagamat suportado ni Go ang panukalang pondo ng ahensya, iginiit niyang dapat tiyakin ng pamahalaan na ang bawat sentimo ng pondo sa kalusugan ay talagang mapupakinabangan at direktang gagamitin para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Dagdag pa niya, kailangang siguruhin na hindi magagamit sa pamumulitika ang pondo para sa kalusugan.

Bilang tugon, tiniyak naman ng DOH na tuloy-tuloy ang operasyon ng kanilang mga programa upang mas padaliin ang proseso sa pagkuha ng medical assistance ng mga pasyenteng nangangailangan.

Kabilang sa mga tiniyak ng ahensya ang sapat na pondo para sa tuloy-tuloy na operasyon ng Malasakit Centers sa iba’t ibang panig ng bansa.