-- Advertisements --

Muling nakiusap si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na tiyaking ganap nang magagamit at operational ang mga naitayong Super Health Center (SHC) sa iba’t ibang bahagi ng bansa at huwag pabaayaan ang mga ito na maging “white elephant” lamang.

Isinagawa ng senador ang naturang panawagan sa gitna ng ginanap na pagdinig ng Lupon sa Pananalapi ukol sa pambansang pondo ng DOH at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa taong 2027.

Binigyang-diin ni Go, na nagsisilbi rin bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Health, na buo ang kanyang suporta sa probisyon ng pondo para sa DOH at PhilHealth dahil ang bawat pondo para sa sektor ng kalusugan ay isang mahalagang pamumuhunan para sa mga mamamayan.

“Ang katumbas ng kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino,” pahayag ni Go sa gitna ng talakayan sa Senado.

Ayon sa senador, marami pa ring mga pasilidad ng Super Health Center ang nananatiling nakabinbin at hindi pa rin nabubuksan, sa halip na agad na pakinabangan ng mga maysakit lalo na sa mga malalayong lokalidad at kanayunan.

Giit pa ni Go, kinakailangang magkaroon ng mas maayos na koordinasyon at magkomplemento ang probisyon ng DOH at ng mga Lokal na Pamahalaan (LGUs) upang maging tunay na operational ang mga naturang sentro.

Ipinalwanag ng mambabatas na bagamat may ilang mauunlad na LGU na may kakayahang magpatakbo at magpondo sa pang-araw-araw na operasyon ng SHC, marami pa ring mga maliliit na bayan ang walang sapat na kapasidad at pinansyal na kakayahan para rito.

Nag-ugat ang panawagan ng senador matapos busisiin ni Senate President Sherwin Gatchalian ang estado ng operasyon ng mga Super Health Center na nananatiling hindi gumagana sa kabila ng pagkakaroon ng nakalaang pondo sa mga nakalipas na taon.

Ang Super Health Center ay itinuturing na isang medium-sized at semi-hospital primary care facility na mas malaki kumpara sa mga karaniwang Rural Health Unit (RHU).

Nakapaloob sa pasilidad na ito ang mga pangunahing serbisyong pangkagalingan tulad ng silid-panganakan, X-ray, serbisyong dental, parmasya, pangkalahatang konsulta, at iba pang makabagong kagamitang medikal na karaniwang matatagpuan sa isang ganap na ospital.