Pumalo na sa mahigit 450 na pasyente ng leptospirosis ang kasalukuyang nakatatanggap ng gamot at atensyong medikal sa iba’t ibang ospital ng Department of Health (DOH) sa National Capital Region (NCR).
Ang pagdami ng mga nao-ospital ay kasunod ng mga serye ng malawakang pagbaha na naranasan sa Metro Manila nitong mga nakalipas na araw.
Batay sa pinakabagong quick count ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, umabot na sa kabuuang 856 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula Enero 4 hanggang Agosto 22 ngayong taon.
Mababa man ito nang 66 porsyento kumpara sa 2,546 na kasong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taong 2025, patuloy pa ring nag-iingat ang ahensiya sa posibleng pagdami ng mga magkakasakit dahil sa 15-day incubation period ng bacteria.
Tiniyak naman ng kawanihan na nakahanda ang mga pampublikong pasilidad at may mahigpit na monitoring upang mabilis na maayos ang paglilipat ng mga pasyente kung kinakailangan.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, naiiwasan ang overcrowding o labis na pagdami ng pasyente sa iisang ospital habang pinananatiling sapat ang supply ng mga kinakailangang gamot para sa lahat ng apektado.
















