Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy na pagtindi ng tensyon sa West Philippine Sea matapos harangin ng mga tauhan ng China ang medical evacuation ng isang maysakit na sundalong Pilipino mula sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa isang press briefing kasunod ng kaniyang working visit sa Singapore, iginiit ng Pangulo na nakababahala ang naturang insidente dahil panggagamot lamang ang pakay ng humanitarian mission na pinalagan ng China.
Inihalintulad ni Marcos ang sitwasyon sa mga panahon ng digmaan kung saan pinahihintulutang tumawid sa mga teritoryo ang medical team upang maghatid ng tulong-medikal, kaya’t hindi makatarungan ang ginawang panghaharang ng mga tsino.
Pinuri ng Pangulo ang katapangan ng mga tauhang Pilipino na matagumpay pa ring naisagawa ang medevac sa kabila ng panggigipit, habang pinanindigan nitong hindi kailanman hihingi ng pahintulot ang bansa sa mga dayuhan para gumalaw sa sarili nitong teritoryo.
Muling tiniyak ng Pangulo sa publiko na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagdepensa at paglaban para sa mga soberanong karapatan nito sa West Philippine Sea.
















