Balik-bansa na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Oktubre 12, 2026, matapos ang limang araw na working visit sa Singapore kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng kalakalan, pamumuhunan at kooperasyon sa enerhiya at teknolohiya.
Sa paglahok ng Pangulo sa 24th Forbes Global CEO Conference, ipinresenta ng Pangulo ang mga programang pang-ekonomiya ng Pilipinas at nakipagpulong sa mga kinatawan ng FedEx, Mitsubishi Corporation at Vena Energy.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagpapalawak ng FedEx Clark Gateway Hub sa Pampanga na nakatakdang magbukas sa 2028, US$700-milyong investment ng Mitsubishi Corporation sa Ayala Corporation, at karagdagang renewable energy capacity ng Vena Energy.
Nakipagpulong din si Pang Marcos kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong upang palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa at matiyak ang pagpapatuloy ng mga prayoridad ng ASEAN.
Bumisita rin ang Pangulo sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute upang pag-aralan ang nuclear technology at mga pamantayan sa kaligtasan bilang bahagi ng pagsusulong ng pangmatagalang seguridad sa enerhiya ng Pilipinas.
Ipinagmalaki ng Pangulo na naging makabuluhan ang kaniyang working visit sa Singapore.
















