Bunsod ng nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng iligal na droga na ibinabasura ng korte dahil lamang sa teknikalidad, isinusulong ngayon ni Senate President Vicente Sotto III ang agarang pag-amyenda sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165.
Batay sa datos na inilabas ng senador, umabot sa 284 na drug-related acquittals ang naitala ng Court of Appeals sa loob lamang ng limang buwan o mula Enero hanggang Mayo 2025.
Ayon kay Sotto, ang naturang bilang ay higit na mas mataas kumpara sa kabuuang estatistika noong taong 2018.
Lumabas sa pagsusuri na ang pangunahing butas sa mga kaso ay ang mahigpit na Chain of Custody Rule sa ilalim ng Section 21 ng batas, na kadalasang hindi nasusunod ng mga operatiba sa ground.
Bilang solusyon, nais ng Senate President na luwagan ang rekisitos at payagan na ang paggamit ng body-worn cameras o pagkuha ng mga ordinaryong testigo sa mga buy-bust operations kapalit ng mga opisyal na saksi.
Kasabay nito, inilatag din ni Sotto ang panukalang pagtatag ng Presidential Drug Enforcement Authority (PRDEA).
Sa ilalim ng PRDEA, pag-iisahin sa iisang bubong ang lahat ng aspeto ng kampanya kontra-droga — mula sa enforcement at prosecution, hanggang sa prevention at rehabilitation — para sa isang holistic approach.















