Nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa legal officer ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na kasalukuyang nagtatago kasunod ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Kaugnay ito ng nasa 91 armas na kailangang kumpiskahin at isuko sa mga awtoridad mula sa senador.
Ayon kay PNP Civil Security Group (CSG) Director, Police Major General Aden Lagradante, 26 pa lamang sa kabuuang 117 nakatalagang armas ni Dela Rosa ang naisusuko sa pulisya.
Binigyang-diin ng PNP na bahagi ito ng kanilang opisyal na mandato na kumpiskahin at ipasuko ang mga baril kapag pormal nang naisakatuparan ang revocation.
Ipinaliliwanag nito na administratively revoked na ang lisensya ng mga baril ni Dela Rosa, kung kaya’t obligado na itong tuluyang maisuko sa PNP.
Ayon pa kay Lagradante, nagpadala ng letter of reconsideration ang kampo ni Dela Rosa kaugnay ng pagsusuko ng kanyang mga baril.
Giit ng kampo, kasalukuyan pa nilang isinasagawa ang process of accounting sa mga natitirang armas.
Humaharap ang senador sa kasong crimes against humanity sa ICC, bunsod ng kanyang naging papel at kaugnayan sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte.













