-- Advertisements --

Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi obligadong humarap sa impeachment trial si Vice President Sara Duterte sakaling maipasa sa Senado ang impeachment articles laban sa kanya, ngunit mas mainam umano kung dadalo siya.

Ayon kay Sotto, batay sa umiiral na rules ng impeachment, walang probisyon na pumipilit sa isang akusadong opisyal na humarap sa paglilitis. Gayunman, giit niya, “mas mabuting umattend” upang maayos na maipaliwanag ang panig nito.

Ikinumpara rin niya ang sitwasyon sa mga nakaraang impeachment cases, tulad ni dating Pangulong Joseph Estrada na hindi nakadalo sa kanyang paglilitis, at ni dating Chief Justice Renato Corona na personal na humarap sa Senado bago mahatulan at maalis sa puwesto.

Binigyang-diin din ni Sotto na kung makarating sa Senado ang impeachment articles, agad itong irereport sa plenaryo at idudulog sa committee on rules bilang bahagi ng proseso.

Dagdag pa niya, plano niyang magsagawa ng pre-trial bago ang aktuwal na impeachment trial upang maiwasan ang kaguluhan sa pagpresenta ng ebidensya, batay sa naging karanasan sa Corona impeachment noong 2012.

Ayon sa kanya, ang pre-trial ay pinapayagan sa ilalim ng impeachment rules at mahalaga upang mas maayos ang daloy ng paglilitis sa Senado. (Report by Bombo Jai)