Siniguro ni Senate President Vicente Sotto III na agad tutugunan ang anumang impeachment complaint na mairerefer sa Mataas na Kapulungan.
Sa isang panayam, natanong ang lider ng Senado kung aaksyunan pa agad ng kapulungan ang articles of impeachment, oras na mayroon itong matanggap.
Sagot ng batikang senador, agad itong irerefer sa Senate Committee on Rules.
Bilang tugon, kailangan aniyang bubuo kaagad ang naturang komite ng mga panuntunan at gagawa ng schedule para sa magiging presentasyon ng prosecution panel.
Matapos nito ay agad aniyang pasasagutin ang defense o ang impeached official.
Maaari aniyang tutuloy ito kaagad sa trial kung saan ang Senado ang magsisilbi bilang impeachment court.
Nanindigan ang Senate president na hindi dapat inuupuan ang complaint at sa halip ay agad itong aaksyunan ng Senado, salig sa itinatakda ng Saligang Batas.
















