Pinaigting pa ng Philippine National Police ang kanilang monitoring sa mga pangunahing lugar kasunod ng mga panawagan online para sa pagdaraos ng motorcade rally na inaasahang daraan sa kahabaan ng EDSA.
Ito ay kasabay ng pagmarka ng unang anibersaryo ng pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte bukas, Marso 11.
Napaulat kasi na magdaraos ng motorcade rally ang mga grupong supporter ng dating Pangulo sa may EDSA at magtatapos sa Villamor Air Base, kung saan dinala ang dating Pangulo matapos arestuhin sa NAIA Terminal 3 pagkarating pa lamang galing Hong Kong sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., maigting nilang sinusubaybayan ang developments at nakikipag-ugnayan sa local units para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Bagamat nirerespeto nila ang karapatan para sa mapayapang pagtitipon, binigyang din ng PNP Chief na mayroon silang mandatong tiyakin na walang insidente na makakagulo sa normal na mga aktibidad at para na rin sa kapayapaan at kaayusan.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Gen. Nartatez ang pagdaragdag ng idedeploy na kapulisan sa mga rutang daraanan ng planadong motorcade at iba pang pangunahing lugar kabilang na sa balwarte ng mga Duterte sa Davao City bago ang inaasahang demonstrasyon.
Pinaalalahanan din ng hepe ng pambansang pulisya ang kapulisan na panatilihin ang kaayusan at pairalin ang maximum tolerance sa kasagsagan ng mga protesta.
















