-- Advertisements --

Tiniyak ni House Justice Committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na maaari pang makapaghain ng karagdagang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.

Ito ay habang hindi pa isinusumite ng House plenary ang dalawang impeachment complaint sa kaniyang komite.

Sa isang panayam, natanong si Luistro ukol sa isa pang panibagong reklamo laban kay VP Sara na posibleng ihain sa araw ng Lunes (Feb. 9), ilang araw matapos isumite ng House Secretary General ang dalawang reklamo sa Office of the Speaker of the House.

Paliwanag ng mambabatas, hangga’t hindi pa isinusumite ang mga reklamo sa kaniyang komite ay maaari pang tanggapin ng Kamara ang mga reklamo, dahil hindi pa nagsisimula ang one-year prohibition period

Aniya, makukumpleto ang initiation process kapag nai-refer na ng Plenaryo ang impeachment complaint sa Justice Committee at sa araw ding iyon ay magsisimula na ang paggulong ng ban.

Sa ilalim ng House Rules, mayroong sampung session days ang Office of the Speaker para isama ang complaint sa Order of Business.

Kapag nangyari ito, dapat ay tuluyan ding mairefer ang reklamo sa Justice panel sa loob ng tatlong session days.

Samantala, hindi naman isinasantabi ng mambabatas ang posibilidad na susuportahan ng mahigit 1/3 ng mga miyembro ng Kamara ang isa pang reklamo, daan upang mas mapabilis ang pag-usad nito, tulad ng nangyari sa 2025 complaint vs VP Sara.

Gayunpaman, dapat aniyang mangyari ito bago pa man mairefer sa kaniyang komite ang dalawang naunang reklamo na kasalukuyang nasa opisina ni Speaker Faustino Dy.