Tiniyak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dadalo pa rin ang mga miyembro ng minority bloc sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte .
Ayon sa senador, walang indikasyon na hindi dadalo o makikilahok sa impeachment trial ang mga senator-judge na hindi lumahok sa botohan noong Miyerkules.
Kung babalikan ay tanging si Sen. Mark Villar kasi ang nakibahagi noon sa botohan habang pinili ng mas nakararaming minority senator na umalis sa korte, bago pa man simulan ang botohan para baliktarin ang naunang ruling ni Sen. Chiz Escudero.
Nanindigan si Cayetano na bahagi ng kanilang constitutional duty ang pagdalo at pakikilahok sa impeachment court, kaya’t patuloy pa rin silang makibahagi sa gumugulong na trial.
Muli namang nagpahayag ng pagkadismaya ang dating Senate President sa ginawa ng impeachment court ukol sa pagpapalit sa denominator para sa voting treshold.
Sa kabilang banda, sinabi rin ni Cayetano na kailangang maresolba na agad ng Supreme Court ang usapin, hindi lamang para sa kapakanan ng impeachment trial kungdi maging sa iba pang Senate proceedings bilang isang legislative body.
Ayon kay Cayetano, ang mga numerong ginagamit sa constitutional requirements tulad ng 2/3, 3/4, at 1/3, ay may epekto rin sa iba pang proseso, gaya ng quorum ng Senado, pagpasa ng mga treaty, charter change, at pagdidisiplina sa mga senador.
















