-- Advertisements --

Binawi ng House prosecution panel ngayong Lunes ang hiling nitong puwersahing kilalanin ni Vice President Sara Duterte ang pagmamay-ari sa mga bank account na ipinasusumite ng Senate impeachment court.

Sa kanyang manifestation sa ika-30 araw ng impeachment trial, pinalitan ito ni House prosecutor Chel Diokno ng panukalang pagkakasundo o stipulation sa pagitan ng magkabilang panig hinggil sa pagiging tunay at lehitimo ng mga dokumento mula sa bangko.

Inihayag ni Diokno na ang layunin ng kanilang hakbang ay upang paikliin ang proseso at maiwasan ang pagpatawag pa ng maraming saksi sa mga usaping hindi naman bukas sa alinlangan o labis na pinagtatalunan.

Pumalag naman ang lead counsel ng defense team na si Shiela Sison at binigyang-diin ang karapatan ng Bise Presidente laban sa self-incrimination na ginagarantiyahan ng Saligang Batas at ng mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema.

Ayon kay Sison, ang paghingi ng admission ay katumbas na rin ng pagpapatestigo sa aksusado laban sa kanyang sarili na tahasang ipinagbabawal sa ilalim ng batas.

Paliwanag naman ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, maglalabas pa rin ng opisyal na desisyon ang Impeachment Court sa naunang hiling ng prosecution upang magsilbing gabay sa dalawang kampo.