Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na electrical short circuit at hindi putok ng baril ang narinig sa isang paaralan sa Isulan, Sultan Kudarat nitong nagdaang Miyerkules, Setyembre 30.
Batay ito sa imbestigasyon ng Isulan Municipal Police Station kaugnay ng mga naunang ulat hinggil sa umano’y isang “gunfire incident” noong umagang iyon ng Miyerkules.
Ayon naman sa Bureau of Fire Protection, pudpod na service-drop wire o kable ng kuryente ang dahilan ng nasabing short circuit na naging sanhi ng malakas na tunog.
Dagdag pa ng mga awtoridad, wala ring bakas ng paggamit ng armas sa nasabing lugar, at maging sa pag-review ng CCTV footage ay wala rin ang mga itong nakitang ebidensiya ng firearm use.
Samantala, bagama’t 16 na mag-aaral ang naiulat na nahimatay dulot ng malakas na tunog, wala namang naiulat na sugatan sa insidente. Tiniyak din ng lokal na pamahalaan ng Isulan, kabilang ang Department of Education na nasa ligtas na kalagayan ang mga mag-aaral ng nasabing paaralan.
Hiniling naman ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na maging kalmado at huwag basta magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon lalo na’t kung patungkol ito sa mga paaralan.
“Naiintindihan natin kung bakit nag-aalala ang mga magulang. Kaya hinihiling natin sa lahat na manatiling kalmado at hintayin ang kumpirmadong impormasyon mula sa mga awtoridad. Huwag muna nating ipasa ang mga balitang hindi pa beripikado. Ang importante, ligtas ang ating mga anak at tama ang impormasyong nakararating sa publiko,” aniya.
















