-- Advertisements --

Tinukoy ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. ang affidavit ng detainee na si Ramil Madriaga, na nagpakilalang bagman umano ni Vice President Sara Duterte, bilang “smoking gun” o pinaka-matibay na ebidensiya sa ikaapat na reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.

Ito ang naging tugon ng mambabatas nang matanong kung ano ang kaibahan ng kanilang inendorsong reklamong impeachment laban sa Bise Presidente mula sa naunang tatlong reklamo sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Sabado, Pebrero 21.

Bagamat marami aniyang pagkakatulad ang kanilang complaint sa naunang impeachment ni VP Sara, kabilang ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, other high crimes, bribery at iba pa.

Sa naturang forum, inilahad ni Abante na hawak niya ang affidavit ni Madriaga na nagpapakita ng umano’y “very close” na koneksiyon nito sa Bise Presidente.

Ayon kay Abante, kinuha umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Madriaga dahil sa kaalaman umano niya at kadalubhasaan sa imbestigasyon at pagiispiya.

Nang matanong ang mambabatas kung ihaharap si Madriaga sa Kongreso para magsalita hinggil sa kaniyang affidavit, tugon ni Abante na sinabi na rin mismo ni Madriaga na nakahanda siyang tumestigo. Umaasa naman ang mambabatas na magsasabi ng totoo si Madriaga at hindi nito babawiin ang kaniyang mga salaysay sa kaniyang affidavit.

Giit ni Abante, dapat panindigan ni Madriaga ang kaniyang sworn affidavit na binuo ng noo’y Davao City Mayor na si VP Sara ang “Inday Sara Is My President” (ISIP) para maluklok siya sa pagkapangulo, kung saan pinopondohan umano ang naturang grupo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at drug lords.

Samantala, sinabi ni Abante na posibleng hindi na imbitahan si Madriaga sa deliberasyon sa impeachment complaint laban kay VP Sara sa Kamara dahil maaaring tumagal pa ito.

Inihalimbawa ni Abante ang naging proseso sa impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan hindi na nagimbita pa ng mga resource person, kundi tanging ang mga nag-endorsong kongresista ang humarap.

Mas mainam aniya na sa impeachment court na lamang imbitahan si Madriaga. Gayunman, ipinaliwanag ni Abante na nakadepende na sa House Committee on Justice kung iimbitahan nila si Madriaga.

Samantala, nauna nang mariing itinanggi ni VP Sara ang umano’y kaugnayan niya kay Madriaga at iginiit na wala siyang anumang direktiba kay Madriaga.