-- Advertisements --

Nakatakdang tumaas nang malaki ang presyo ng diesel at gasolina sa bansa ngayong linggo matapos ang paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon sa Department of Energy (DOE), maaaring umabot hanggang P24.25 kada litro ang itataas sa diesel depende sa kumpanya ng langis.

Upang hindi agad mabigla ang mga motorista, napagkasunduan ng ilang kumpanya na ipatupad ang pagtaas ng presyo nang paunti-unti.

Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni DOE Sec. Sharon Garin, ang pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng patuloy na tensyon at digmaan sa Middle East na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.

Ayon sa DOE, ang Shell Philippines ang magpapatupad ng pinakamalaking dagdag-presyo sa diesel ngayong Linggo na aabot sa P24.25 kada litro kung saan sa Martes, magpapatupad muna ito ng P14.55 kada litro, susundan ng P7.30 sa Miyerkules at P2.40 naman sa Huwebes.

Samantala, ang Petron ay magtataas ng P19.20 kada litro sa diesel kung saan sa Martes ay ipatutupad muna nito ang P11.60 kada litro, habang ang natitirang P3.80 ay ipatutupad sa mga susunod na araw.

Magkakaroon din ng pagtaas sa presyo ng diesel sa mga istasyon ng TotalEnergies na aabot sa P20.20 kada litro, na ipatutupad naman sa dalawang bahagi na tig-P10.10.

Samantala, ang Chevron ay may pinakamababang kabuuang dagdag-presyo na P17.50 kada litro, na ipatutupad sa pitong araw na magkakasunod na tig-P2.50 kada araw.

Ang Jetti Petroleum naman ay magtataas ng kabuuang P19 kada litro, kung saan P4 kada litro muna sa Martes, at susundan ng P3 kada litro sa loob ng limang araw.

Sa panig naman ng Seaoil, inaasahang tataas ang presyo ng diesel mula P21 hanggang P23 kada litro, na ipatutupad sa dalawang bahagi.

Bukod sa diesel, tataas din ang presyo ng gasolina mula P7 hanggang P13 kada litro simula Martes.

Screengrab from DOE

Ipinaliwanag pa ni Garin na hindi maaaring kontrolin ng DOE ang presyo ng langis dahil sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, na nagbibigay sa mga kompanya ng kalayaang magtakda ng kanilang presyo.

Dagdag pa ng DOE, naglabas na ito ng show-cause orders laban sa ilang gasolinahan na napaagang nagpatupad ng pagtaas ng presyo bago ang nakatakdang schedule.

Para sa Marso 6 hanggang Marso 9, sinabi ng DOE na hindi dapat lumagpas sa sumusunod na price range ang pump prices:

Gasoline (RON 97/100): P53.70 – P76.50 kada litro

Gasoline (RON 95): P50.00 – P71.04 kada litro

Gasoline (RON 91): P49.00 – P64.70 kada litro

Diesel: P49.00 – P66.59 kada litro

Diesel Plus: P56.80 – P74.81 kada litro

Kerosene: P78.90 – P99.89 kada litro