Tiwala si Manila 6th district Representative Bienvenido Abante Jr. na makakakuha ng “more than enough” o higit pa sa one-third ng kinakailangang boto mula sa mga miyembro ng House of Representatives para ma-impeach si Vice President Sara Duterte.
Ito ay kung pagbabasehan ang naging resulta ng botohan noong unang impeachment ng Bise Presidente.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, Pebrero 21, ipinaliwanag ni Abante na mula sa 311 na kongresista, 105 na pabor na boto lamang ang kailangan na katumbas ng one-third upang maipasa ang impeachment complaint sa Senado.
Hindi naman ikinakaila ng mambabatas na mayroon siyang pangamba na posibleng mahirapang makakuha ng sapat na boto sakaling maipasa ang articles of impeachment laban sa Bise Presidente sa Senado.
Ayon kay Abante, kakailanganin ng 16 na affirmative votes ng mga Senador para ma-convict ang Bise Presidente.
Umaasa naman ang mambabatas na hindi ito maging “political ploy”, sa halip ay pagbatayan ng mga Senador ang mga ebidensiya at substansiya ng reklamong impeachment.
Samantala, binigyang diin din ni Abante ang pagtalima ng House of Representatives sa naging ruling ng Korte Suprema sa paghawak sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Kung saan, base aniya sa House Committee on Justice mayroon pang 10 session days, para mailagay sa Order of Business matapos ma-endorso o matransmit sa opisina ng House Speaker ang impeachment complaints.
Ayon kay Rep. Abante, posibleng umabot ng dalawa hanggang tatlong araw ang deliberasyon ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban sa Pangalawang Pangulo bago tuluyang iakyat sa plenaryo kung saan kakailanganin ng one-third na boto mula sa House members para ma-impeach ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Matatandaan, isa si Abante sa nag-endorso ng ikaapat na reklamong impeachment laban sa Bise Presidente, na kinumpirma ni House Secretary General Cheloy Garafil noong Huwebes, Pebrero 19 na natanggap na ng opisina ni House Speaker Bojie Dy.
















