Nakikinig ang Kongreso sa hinaing ng mga magsasaka at sisikaping palakasin ang mga batas para sa suporta at proteksiyon ng sektor ng agrikultura. Ito ang inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Sa ikalimang leg ng LegisHear sa Victorias City, Negros Occidental, sinabi ni Dy na mahalaga ang direktang pakikipagdayalogo sa mga magsasaka upang matukoy ang karagdagang tulong at proteksiyong kailangan nila mula sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng Speaker na hindi lamang sa Negros kundi sa buong bansa dapat maging patas at makabuluhan ang tulong para sa mga magsasaka, na aniya’y mahalaga sa food security at ekonomiya.
Nanguna rin sa talakayan ang mga usapin sa agrikultura at industriya ng asukal, kabilang ang mga panukalang isinusulong ni Negros Occidental 3rd District Rep. at Assistant Majority Leader Javier Miguel “Javi” L. Benitez.
Samantala, sinabi ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez na itinulak ni Speaker Dy ang pagbabalik ng P10 bilyong pondo para sa intervention ng mga magsasaka at mangingisda sa panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Hernandez, isinama na sa proposed amendments ng House ang restoration ng P10 bilyong pondo matapos itong maalis sa orihinal na panukalang budget.
Noong 2026 budget, P10 bilyon din ang inilaan para sa intervention program para sa mga magsasaka at mangingisda.














