Kampante si Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na wala pang mga mambabatas na bumabawi ng suporta kay House Speaker Faustino Dy, sa loob ng isang linggong pagbubukas ng 2nd Regular Session ng 20th Congress.
Ayon kay Acidre, nananatiling solido ang suporta ng mga mambabatas na bahagi ng 2nd Regular Session, at buo rin ang suporta ng mga ito sa policy direction ng mababang kapulungan.
Sa kabila aniya ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malapit nang sampahan ng patong-patong na kaso ang ‘dating House Speaker,’ nananatili pa rin ang suporta ng House members kay Speaker Dy na isa sa mga kilalang kaalyado ni Pang. Marcos.
Maaalalang si Speaker Dy ang pumalit kay presidential cousin, Rep. Martin Romualdez, na isa sa mga idinadawit sa nabunyag na flood control scandal. Si Speaker Dy ang isa sa mga kilalang kaalyado at supporter ni Pang. Marcos, tulad din noon ni Romualdez.
Ayon kay Acidre, hindi apektado ang House members sa naging pahayag ni Pang. Marcos ukol sa pagsasampa ng mga kaso at sa halip ay nananatili ang kanilang tiwala at suporta sa kaniyang kaalyado na si Speaker Dy.
Sa kasalukuyan, wala aniyang pagbabago sa policy direction ng House of Representatives at tuloy pa rin ang pag-pokus nito sa executive-legislative agenda ng Marcos administration. Kabilang dito ang ilang tax reform programs, reporma sa power sector, education, healthcare, at iba pa.















