-- Advertisements --

Sisimulan na ng House of Representatives sa susunod na linggo ang deliberasyon sa panukalang P7.2 trilyong pambansang pondo para sa 2027.

Ayon kay House Appropriations Committee chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, sisimulan ang budget hearings sa Lunes, Agosto 17 at magtatapos sa Oktubre 9, bago ang Undas break ng Kongreso.

Muling inihayag naman ng mambabatas na magsasagawa sila ng masinsinang pagsisiyasat sa pondo na tinawag niyang “people’s budget” kung saan makikipagpulong ang non-government organizations at iba pang concerned stakeholders sa mga mambabatas at hihimayin ang budget process.

Samantala, inihayag ni House Speaker Bojie Dy na papairalin nila ang safeguards na in-adopt ng mababang kapulungan noong 2025 para maiwasang maulit ang umano’y kwestyonableng insertions.

Kabilang sa mga ipinatupad aniya noong nakalipas na taon ay ang Budget Amendments and Review Subcommittee at live-streaming ng aniya’y “open at transparent” bicameral meetings.

Matatandaang noong Martes, Agosto 11, opisyal nang ipinasakamay ng Department of Budget and Management (DBM) ang 2027 National Expenditure Program (NEP) o panukalang pondo ng Marcos administration.