-- Advertisements --

Nagbabala si House Human Rights Committee Chairman at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na maaaring kunin at hubugin ng mga dayuhang bansa ang mga Pilipino lalo na ang mga bata upang maging espiya.

Ayon kay Rep. Abante, maaaring gamitin ang edukasyon at pinansyal na suporta upang maimpluwensiyahan ang mga bata at kalaunan ay gamitin sa pangangalap ng sensitibong impormasyon.

Pahayag ito ni Abante, habang tinatalakay ng mga mambabatas ang panukalang New Espionage Act, na layong gawing makabago ang mga batas laban sa espionage, kabilang ang cyber activities at surveillance.

Binanggit din ni Abante si Cassandra Ong bilang halimbawa, ngunit wala siyang ipinakitang dokumento na magpapatunay sa kanyang pahayag na na-recruit ito ng Chinese government noong bata pa.

Iginiit ni Abante na kailangang mapalakas ang kakayahan ng law enforcement na matukoy ang tunay na espionage habang pinoprotektahan ang mga karapatang pantao.

“There’s no violation of human rights there. Dapat lamang pong protektahan ng ating law enforcement agencies ang Pilipinas when it comes to that,” diin ni Abante.