-- Advertisements --

May hanggang alas-7 ng gabi ngayong araw si Vice President Sara Duterte upang isumite ang kanyang pormal na sagot sa Articles of Impeachment na inihain laban sa kanya.

Sa inilabas na abiso ng Senado, sinabi ni Senate Secretary Jose Luis Montales na maaaring isumite ng Bise Presidente ang kanyang sagot mula alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, personal man o sa pamamagitan ng pamamagitan ng email.

Bilang paghahanda sa posibleng personal na pagsusumite ng dokumento, nilimitahan ng Senado ang access sa ilang bahagi ng gusali upang maiwasan ang kaguluhan at pagsisiksikan ng media.

Ayon sa advisory, tanging mga awtorisadong opisyal ng impeachment court at mga miyembro ng legal team ng bise presidente ang papayagang makapasok sa Office of the Senate Secretary sa ikaanim na palapag kung saan tatanggapin at ipoproseso ang naturang dokumento.

Ipinaliwanag din ng Senado na kinakailangan ang naturang hakbang dahil sa limitadong espasyo sa loob ng gusali at sa inaasahang dami ng media personnel na magko-cover sa pagsusumite ng sagot ni Duterte.

Samantala, itinanggi ni Senate President Alan Peter Cayetano ang mga alegasyong may kaugnayan sa impeachment trial ang panukalang amyenda sa Senate rules hinggil sa remote participation ng mga senador.

Tiniyak naman ng legal team ni Duterte na sasagot sila para sa itinakdang deadline para sa pagsusumite ng kanilang sagot sa impeachment complaint.