Humiling sa gobyerno ng Pilipinas si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nahatulan sa ibang bansa sa kasong drug trafficking, na pagkalooban siya ng kalayaan upang maalagaan ang kanyang matatandang magulang at mga anak matapos ang 16 na taong pagkakawalay.
Sa kanyang liham na inilabas ng Migrante International, sinabi ni Veloso na wala na siyang ibang hiling kundi makapiling muli ang kanyang pamilya at iparamdam sa kanyang mga anak ang pagmamahal ng isang ina.
Ipinahayag din niya ang hirap ng kanyang mga magulang na bumibiyahe mula Nueva Ecija ng 8 hanggang 10 oras para lamang bisitahin siya, kasama na ang gastos sa pamasahe at pagkain.
Iginiit din ni Veloso na makalipas ang isang taon mula ng malipat siya dito sa Pilipinas, nananatili pa rin siyang nakakulong kahit wala siyang nagawang kasalanan maging sa ating bansa.
Bagamat nagpapasalamat si Veloso sa lahat ng sumusuporta sa kanya para makalaya na siya, at dalangin na pagpalain sila ng Diyos sa kanilang kabutihan. Umapela rin si Veloso ng patuloy na suporta para ikampaniya ang kaniyang paglaya.
Si Veloso ay kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, matapos siyang ilipat mula Indonesia patungo sa Pilipinas. Nagtagal siya ng 15 taon sa kulungan, at ang dating sentensiyang kamatayan ay pinalitan noong 2015 dahil sa apela ng gobyerno ng Pilipinas.
















