Nanawagan si Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan na ipagbawal ang operasyon ng drones at iba pang unmanned aerial vehicles (UAVs) sa loob at paligid ng mga kulungan upang maiwasan ang pagpuslit ng kontrabando at iba pang banta sa seguridad ng mga piitan.
Sa ilalim ng kanyang inihain na House Bill 4797 o ang “Drone-Free Jails Act,” ipagbabawal ang paggamit ng UAVs sa loob ng 100 metrong radius mula sa mga kulungan. Pinapayagan lamang ang paggamit ng drones para sa custodial security purposes o sa mga emergency cases na may pahintulot ng jail officials at permit mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon kay Yamsuan, dating Assistant Secretary ng DILG, bagama’t kapaki-pakinabang ang drones sa negosyo at pamahalaan, maaari rin itong abusuin sa ilegal na paraan, gaya ng pagdadala ng droga, cellphone, o armas sa loob ng mga kulungan.
Binanggit ng kongresista ang insidente sa Batangas kung saan natunton at nahuli agad ang mga tumakas na bilanggo gamit ang drones na may thermal imaging at night vision.
Gayunman, may mga ulat din umano ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may mga drones na lumilipad papunta sa mga kulungan, na posibleng ginagamit para sa kontrabando o paniniktik.
Ilan sa mga lungsod tulad ng Batangas, San Juan, Baguio, Valenzuela, at Mandaluyong ay may ordinansang nagbabawal ng paggamit ng drones malapit sa mga kulungan.
Sa sandaling maging ganap na batas ang panukala, ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng ₱50,000 hanggang ₱200,000 o makulong ng hanggang isang taon, o pareho. Ang mga makukumpiskang drones ay isusuko sa CAAP para sa wastong disposisyon sa loob ng 15 araw matapos ang kaso.














