-- Advertisements --

Binigyang-diin ang pangangailangan ng mas pinaigting na regional collaboration sa sektor ng turismo sa pagbubukas ng ika-63rd ASEAN National Tourism Organization’s (NTO) Meeting na ginanap nitong Lunes, Enero 26, sa Cebu City.

Dinaluhan ang pagpupulong ng mga senior tourism officials mula sa 11 bansang kasapi ng ASEAN.

Ayon kay Oliver Cheong, Vice Chair ng ASEAN NTOs at Assistant Chief Executive ng International Group ng Singapore Tourism Board, mahalagang yugto ang naturang pagpupulong para sa kinabukasan ng turismo sa rehiyon.

Aniya, patuloy na pinapalakas ng mga kasaping bansa ang kanilang kooperasyon upang maisulong ang iisang bisyon—ang pagposisyon sa Southeast Asia bilang isang kaakit-akit na “single destination” para sa mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Iginiit ni Cheong na ang mga hamon at oportunidad na kinahaharap ng industriya ng turismo ay nangangailangan ng magkakaugnay at sabayang pagtugon ng buong rehiyon.

Binanggit din niya na ang lakas ng ASEAN ay nagmumula sa pagkakaiba-iba ng 11 natatanging destinasyon na may mayayamang kultura at karanasan, na pinagbubuklod naman ng magkakatulad na pagpapahalaga at layunin.

Dagdag pa niya, nagsisilbing mahalagang plataporma ang pagtitipon upang matuto mula sa mga naging tagumpay ng mga naunang lider at talakayin ang mga pangunahing prayoridad gaya ng mas pinadaling paglalakbay, mas mahusay na connectivity, at pagsusulong ng responsable at sustenableng tourism practices.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Cheong ang mga bansang kasapi na patuloy na palakasin ang ugnayan at pagtutulungan upang makabuo ng isang mas matatag, inklusibo, at future-ready na sektor ng turismo sa ASEAN.